-- ADVERTISEMENT --

Pinagkokomento ng Senate Ethics Committee si Ronald dela Rosa kaugnay ng panukalang amyendahan ang mga alituntunin ng Senado upang maipatupad ang “no work, no pay” policy para sa mga absent na senador.

Ayon kay JV Ejercito, chairperson ng komite, kabilang sa kanilang tinalakay ang iba’t ibang reklamo laban sa mga senador, pati na ang mungkahing higpitan ang patakaran sa absenteeism. Kaugnay nito, humingi sila ng pahayag kay Dela Rosa hinggil sa naturang panukala.

Ipinaliwanag ni Ejercito na pinag-aaralan ang posibilidad na ipatupad ang prinsipyong “no work, no pay” sa mga halal na opisyal, ngunit kinakailangan pa itong dumaan sa plenaryo ng Senado kung aamyendahan ang umiiral na mga patakaran.

Matatandaang matagal nang hindi dumadalo sa sesyon si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na may inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court kaugnay ng kanyang umano’y pagkakasangkot sa war on drugs. Dahil dito, nahaharap siya sa ethics complaint dahil sa patuloy na pagliban.

Umaasa naman si Ejercito na boluntaryong isusuko ni Dela Rosa ang kanyang suweldo at allowances habang hindi ito aktibo sa Senado, bilang pagpapakita ng patas na prinsipyo na katulad ng sa mga ordinaryong manggagawa na hindi binabayaran kapag hindi pumapasok.

Samantala, iniulat ng komite na may siyam na reklamo silang tinatalakay: apat ang ibinasura dahil sa kakulangan ng substance, tatlo ang ipinagpaliban, at dalawa ang nangangailangan pa ng karagdagang paliwanag mula sa mga ahensya ng gobyerno bago maresolba.

Nilinaw rin ng komite na mananatiling kumpidensyal ang mga detalye ng kanilang mga pagdinig at dockets.