-- ADVERTISEMENT --

Naitala ni Red Spiegelman ang Top 6 finish para sa Pilipinas sa Miss International Queen 2026 na ginanap sa Pattaya, Thailand nitong Sabado, Setyembre 19.

Kasama si Spiegelman sa anim na semifinalists na naglaban para sa puwesto sa final round. Bukod sa Pinay representative, nakapasok din sa Top 6 sina Catalina Vallejo ng Colombia, Ines Mess ng France, Lo Colby ng United States, Saki Iwai ng Japan, at Theerachaya Pimkitidaj ng Thailand.

Gayunman, tatlo lamang mula sa Top 6 ang umabante sa finale. Sina Colby, Iwai, at Pimkitidaj ang nakakuha ng puwesto sa final round, habang nagtapos sa Top 6 ang kampanya ni Spiegelman.

Sa huling bahagi ng kompetisyon, si Lo Colby ng United States ang itinanghal na bagong Miss International Queen, dahilan upang makamit ng bansa ang back-to-back victories matapos ang panalo ni Midori Monet noong 2025.

Bagama’t hindi nasungkit ni Spiegelman ang korona, nananatiling bahagi ang Pilipinas ng kasaysayan ng pageant, kung saan huling nagwagi para sa bansa si Fuschia Anne Ravena noong 2022.