Pinangunahan ni Pope Leo XIV ang tradisyonal na paghuhugas ng paa ng 12 pari noong Huwebes Santo, bilang bahagi ng isang ritwal na sumisimbolo sa kababaang-loob at paglilingkod na ipinakita ni Hesus bago ang kanyang kamatayan. Ang seremonya ay isinagawa sa Basilica of St. John Lateran sa Roma, ang Cathedral Church ng mga Pope, bilang bahagi ng mga pagdiriwang bago ang Easter Sunday.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ng Santo Papa ang mga Katoliko na tumulong sa mga nangangailangan at makiisa sa mga inaapi. “As humanity is brought to its knees by so many acts of brutality, let us too kneel down as brothers and sisters alongside the oppressed,” aniya, na nagpapahayag ng pagnanais na ang mga mananampalataya ay magkaisa at magsanib-puwersa upang tumulong sa mga nangangailangan, sa kabila ng mga hamon ng mundo.
Isa-isang hinugasan, pinunasan, at hinalikan ng Papa ang paa ng 12 pari, bilang isang simbolo ng pagpapakumbaba at paglilingkod. Inilarawan din ng Santo Papa na ang halimbawa ni Hesus ay hindi nakasentro sa kapangyarihan, kundi sa pagpapalaya at pagtulong sa mga hindi kayang tumulong sa kanilang sarili.
Kakaiba ang seremonya ngayong taon, dahil si Pope Leo XIV, na naging kauna-unahang Pope mula sa Estados Unidos noong Mayo 2025, ang nanguna sa ritwal sa Basilica of St. John Lateran. Sa nakaraang mga taon, ang yumaong Pope Francis ay mas pinipiling isagawa ang paghuhugas ng paa sa mga bilangguan, tahanan ng matatanda, at hospice bilang simbolo ng paglilingkod sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Pinili ni Pope Leo na i-highlight ang pagpapakita ng suporta sa mga pari sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa, lalo na’t marami sa kanila ang may mabibigat na tungkulin at humahawak ng higit sa isang parokya. Bukod dito, inialay ni Pope Leo ang kanyang prayer intention para sa buwan ng Abril para sa mga pari, at hinikayat ang mga Katoliko sa buong mundo na ipagdasal ang kalakasan at kapakanan ng mga ito.
Ang seremonya ng Huwebes Santo ay isang pagkakataon hindi lamang para sa mga pari, kundi para sa lahat ng mga Katoliko na magnilay at magdasal bilang paghahanda sa Easter—ang pinakamahalagang selebrasyon sa pananampalatayang Kristiyano.







