-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala silang natatanggap na opisyal na ulat o impormasyon tungkol sa sinasabing banta sa buhay ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang pamilya.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., wala ring rekord na nagreport si Duterte sa alinmang himpilan ng pulisya, habang wala rin umanong namonitor ang PNP na lehitimong banta laban sa Bise Presidente.

Gayunman, sinabi ni Nartatez na bukas ang PNP sa pagtanggap ng anumang dokumento o pahayag kaugnay ng insidente upang maimbestigahan at mapatunayan ang mga ito.

Samantala, may mga pulis na tumulong kay Duterte nang magtungo siya sa Quezon City Regional Trial Court nitong Sabado para sa kanyang piyansa kaugnay ng tatlong counts ng grave threats. Ligtas naman siyang nakarating sa korte.

Nauna nang nagpahayag si Duterte ng pangamba sa kanyang seguridad at sinabing itinatala niya ang mga pagbabanta at harassment na umano’y nararanasan niya sa nakalipas na tatlong taon.

Ang kaso ay nag-ugat sa kanyang pahayag noong 2024 na mayroon siyang inutusang tao na pumatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.