Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) ng agarang pagpapalakas at pagrepaso sa cybersecurity measures ng mga ahensya ng gobyerno matapos ang magkahiwalay na cyberattacks na tumama sa mga website ng Senate of the Philippines at House of Representatives of the Philippines.
Ayon sa pulisya, nagsisilbing malinaw na babala ang mga insidente sa lumalaking banta ng cyberattacks laban sa mga digital platform ng pamahalaan, kaya kinakailangang paigtingin ang proteksyon sa mga online system at imprastraktura ng gobyerno.
Nauna nang naiulat na na-deface ang website ng Kamara noong Sabado, kasunod ng katulad na pag-atake sa opisyal na website ng Senado ilang araw bago nito. Isang grupo ng mga hacker ang umako sa mga insidente at sinabing bahagi umano ito ng kanilang protesta laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Bilang tugon, inatasan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang mga tauhan nito na makipag-ugnayan sa information technology at cybersecurity teams ng Kamara upang tumulong sa isinasagawang digital forensic investigation. Makikipagtulungan din ang grupo sa iba pang ahensya upang matukoy kung paano naisagawa ang pag-atake, saan ito nagmula, at gaano kalawak ang naging epekto nito.
Tiniyak naman ng PNP na pananagutin ang mga responsable sa ilalim ng umiiral na mga batas laban sa cybercrime sa oras na makilala at makalap ang sapat na ebidensya laban sa kanila.
Binigyang-diin din ng pulisya na hindi sapat ang agarang pagtugon lamang sa mga insidente. Anila, mahalaga ang koordinadong pagkilos ng iba’t ibang ahensya upang mapalakas ang preventive security measures, mapabilis ang incident response, at mapanatili ang seguridad ng mahahalagang digital assets ng gobyerno.
Samantala, kinumpirma ng Senado na nakaranas ang kanilang website ng hindi awtorisadong pagbabago o defacement. Gayunman, batay sa paunang pagsusuri, wala pang nakikitang ebidensya na nakompromiso ang sensitibo o kumpidensyal na datos ng institusyon.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang technical team ng Senado upang matukoy ang eksaktong sanhi ng paglabag sa kanilang sistema at kung may iba pang bahagi ng kanilang digital infrastructure na maaaring naapektuhan ng insidente.













