-- ADVERTISEMENT --

Walang komento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lumulutang na tandem para sa 2028 elections gaya ng “Sara-Imee” at “Leni-Risa.” Matatandaang inanunsyo kamakailan ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo, at tanging “Good luck” ang naging tugon ng Pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nakatuon si Pangulong Marcos sa kanyang tungkulin bilang chief executive at ayaw munang pag-usapan ang pulitika dahil malayo pa ang halalan.

Mariin ding itinanggi ng Palasyo ang mga espekulasyon na nililigawan ng administrasyon si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo para sa 2028 elections. Wala umano anumang hakbang o usapin ang administrasyon hinggil sa paghahanap ng kandidato.

Dagdag ni Castro, mas prayoridad ng Pangulo ang pagtugon sa mga suliranin tulad ng pagbaha at pagpapalakas ng ekonomiya kaysa sa pamumulitika.