Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangang suriin ang performance ng mga ahensya ng pamahalaan batay sa mga konkretong resultang naibibigay sa publiko, sa halip na ibatay lamang sa porsiyento ng nagastos na pondo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na isama sa pagsusuri ang mga natapos na proyekto, natamong target at serbisyong naihatid sa mga mamamayan.
Ipinaliwanag naman ni DBM Secretary Kim Robert C. De Leon na hindi sapat na sukatan ng mahusay na pamamahala ang mataas na budget utilization rate. Aniya, kahit 98 porsiyento ng pondo ng isang ahensya ang nagamit, kailangan pa ring matukoy kung nagbunga ito ng sapat na benepisyo para sa publiko.
Sa kaniyang talumpati sa ika-58 taunang kumperensya ng Financial Executives Institute of the Philippines noong Oktubre 9, binigyang-diin ni De Leon ang kahalagahan ng de-kalidad at episyenteng paggastos upang mapalawak ang serbisyong naihahatid ng pamahalaan.
Kasabay nito, pinalalakas ang transparency sa pamamagitan ng DBM COMPASS Portal, na ginawang permanenteng mekanismo sa ilalim ng Executive Order No. 126. Pinapayagan nitong masubaybayan ang impormasyon tungkol sa budget, paggamit ng pondo, procurement at progreso ng mga proyekto ng pamahalaan.
Layunin ng mga hakbang na matiyak na ang bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay nagagamit nang wasto at nagdudulot ng malinaw na pakinabang sa mga mamamayan.













