-- ADVERTISEMENT --

Ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan upang linawin ang kontrobersiyal nitong pahayag tungkol sa kakayahan ng China na madaling manalo sa anumang labanan sakaling gumamit ito ng puwersa.

Sa ambush interview sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Coast Guard, sinabi ni Marcos na tila may tono ng pagbabanta ang pahayag ng Chinese envoy. Aniya, mahalagang makausap ang ambassador upang matukoy ang tunay na kahulugan at intensiyon sa likod ng mga sinabi nito.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naturang pahayag, na itinuturing na may bahid umano ng pagbabanta laban sa Pilipinas.

Naganap ang palitan ng mga pahayag sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng mga sigalot sa West Philippine Sea.

Patuloy na binibigyang-pansin ng dalawang bansa ang mga usaping may kinalaman sa kanilang ugnayang diplomatiko at seguridad sa rehiyon.