Lumalim pa ang usapin matapos maglabas ng pahayag ang Malacañang tungkol sa kalagayan ni Senador Ronald dela Rosa, kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa hinihiling na temporary restraining order (TRO) laban sa posibleng pag-aresto at paglipat sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, maaaring maituring na “fugitive” o tumatakas sa batas ang senador matapos umalis sa protective custody ng Senado noong nakaraang linggo. Sinabi rin niyang ito ang naging posisyon ng Office of the Solicitor General (OSG).
Gayunman, nilinaw ng Palasyo na ang lahat ng operational matters hinggil sa posibleng pagpapatupad ng ICC warrant ay nasa Department of Justice (DOJ) na, at hindi na sa Malacañang.
Binigyang-diin din ni Castro na “valid” ang arrest warrant na inilabas ng ICC, habang ang interpretasyon ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema ay ipauubaya sa DOJ at kay Justice Secretary Crispin Remulla.
Sa gitna ng mga pahayag na ito, nananatiling sentro ng kontrobersiya ang estado ni Dela Rosa matapos ang ilang linggong pagkawala sa publiko at hindi malinaw na kinaroroonan.













