-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Malacañang na nananatiling mapagmatyag at handa ang pamahalaan sa posibleng epekto ng nagpapatuloy na labanan sa Middle East, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat maging kampante ang pamahalaan dahil maaaring maapektuhan ang bansa, partikular sa presyo ng langis at sa ekonomiya.

Sinabi rin ni Castro na tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa kaya walang dahilan upang magkaroon ng panic buying.

Gayunman, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon upang matiyak ang proteksyon ng publiko.

Sa direktiba ng Pangulo, kailangang sundin ng mga kumpanya ng langis ang tamang iskedyul ng price adjustment, at ipinagbabawal ang maaga o hindi awtorisadong pagtaas ng presyo.

Pinaigting din ng DOE, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP), ang inspeksyon sa mga gasolinahan upang maiwasan ang hoarding, profiteering, at price manipulation ng suplay.