-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap sa kasong qualified theft ang tatlong manggagawa ng isang resort sa Pagbilao, Quezon matapos umanong katayin at tangayin ang isang pambihirang arapaima fish na tinatayang nagkakahalaga ng P7 milyon.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasang umano’y inilabas ng mga suspek ang mahigit anim na talampakang isda mula sa fishpond ng resort at dinala ito sa kanilang tinutuluyang quarters sa loob ng establisyemento.

Ang arapaima, na tinatayang nasa 25 taong gulang at may bigat na humigit-kumulang 90 kilo, ay matagal nang inaalagaan ng resort at itinuturing na isa sa pinakamahahalagang alaga nito.

Ayon sa pulisya, pinatay at kinatay umano ng mga suspek ang isda sa loob ng isang comfort room at plano sanang paghatian ang karne upang maiuwi sa kani-kanilang pamilya.

Gayunman, agad umanong naispatan ng isang security guard ang insidente at naipagbigay-alam ito sa mga awtoridad, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek at pagkakarekober sa ilang bahagi ng kinatay na isda.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pagbilao Municipal Police Station ang mga suspek para sa inquest proceedings habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.