-- ADVERTISEMENT --

TAMPAKAN, South Cotabato – Nananawagan ng pag-iingat ang mga residente ng Tampakan matapos umano’y manakaw ang isang bag na naglalaman ng pera at mahahalagang dokumento sa isang tindahan sa Barangay Maltana.


Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Neil Ryan Escobillo, Association of Brgy Captains – South Cotabato Chapter President, sinabi niyang batay sa ulat, bandang alas-11:40 ng umaga ay pumasok ang dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal sa tindahan ni Arianne Escobillo-Amado na matatagpuan sa Purok 3, Barangay Maltana, Tampakan, South Cotabato.


Ayon sa impormasyon, tinangay ng mga suspek ang isang bag na may laman na cash na nagkakahalaga ng P30,000 – P40,000, mga government-issued IDs, at mga bank card bago mabilis na tumakas sa lugar.


Base sa CCTV footage ng nasabing tindhan, nabatid na ang mga suspek ay sakay umano ng isang Kawasaki Bajaj na kulay itim at asul na may plakang M827GG.


Patuloy ang panawagan sa publiko na kung may sinumang nakakita sa naturang motorsiklo o may impormasyon tungkol sa insidente, agad itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang makatulong sa agarang pagkilala at pagdakip sa mga suspek.


Samantala, tiniyak ni Escobillo na mas paiigtingin ng lokal na pamahalan ang pagbabantay sa mga checkpoints at ibat’ ibang lugar na maaring maging passsage o daanan ng mga masasamang loob.


Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay ng insidente.