Bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa unang tatlong araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado kasunod ng kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Mula Abril 6 hanggang 8, naitala ang pagbaba ng presyo ng diesel mula sa pinagkukunan ng suplay ng bansa.
Kung magtutuloy-tuloy ang ganitong trend, inaasahang magkakaroon ng rollback na nasa P2.50 hanggang P3.40 kada litro sa diesel.
Samantala, tinatayang aabot sa P1.00 kada litro ang maaaring ibaba sa presyo ng gasolina.
Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi dapat umasa ang publiko na agad babalik sa dating antas bago ang digmaan ang presyo ng petrolyo, kahit pa tuluyang matigil ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa kanya, nananatiling mataas ang gastos sa delivery at may mga nasirang imprastraktura ng langis na patuloy na nakakaapekto sa supply chain.













