-- ADVERTISEMENT --

Nais ni Senator Erwin Tulfo na ipatupad ang isang “no work, no pay” policy para sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng panukalang batas na naglalayong tanggalan ng suweldo at allowances ang mga opisyal na lumiliban sa trabaho nang walang sapat na paliwanag o wastong pahintulot.

Saklaw ng panukala ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga senador, kongresista, mga kalihim ng gabinete, at iba pang pinuno ng mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Tulfo, panahon na upang magkaroon ng iisang pamantayan para sa lahat ng empleyado ng gobyerno, anuman ang kanilang posisyon. Aniya, hindi makatarungan kung ang mga ordinaryong kawani ay agad na naaapektuhan ang sahod kapag absent, habang ang ilang mataas na opisyal ay patuloy na tumatanggap ng kabayaran kahit matagal nang hindi pumapasok sa trabaho.

Sa ilalim ng panukala, mawawala rin ang mga allowances at iba pang benepisyo ng mga opisyal na maituturing na absent without official leave (AWOL), bilang bahagi ng pagpapalakas ng pananagutan at disiplina sa serbisyo publiko.

Iginiit ng senador na dapat manaig ang prinsipyong “no work, no pay” sa lahat ng antas ng gobyerno upang matiyak na ang mga lingkod-bayan ay nananagot sa kanilang tungkulin at responsibilidad.

Muling nabuhay ang usapin matapos mabanggit ang mga kaso ng ilang opisyal na matagal na hindi nakadadalo sa kanilang mga opisyal na tungkulin ngunit patuloy na nakatatanggap ng suweldo at benepisyo, bagay na nais umanong tugunan ng panukalang batas.