Inilatag na ng House prosecution panel ang magiging hatian ng tungkulin ng bawat prosecutor para sa impeachment trial ni Sara Duterte, kung saan target nilang mapabilis ang presentasyon ng ebidensya at testimonya sa Senado.
Ayon kay lead prosecutor at House Justice Committee chair na si Gerville Luistro, bawat prosecutor ay hahawak ng hindi bababa sa dalawang articles of impeachment upang maging mas episyente ang pagtalakay sa kaso.
Kabilang sa mga alegasyong kinahaharap ng bise presidente ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, unexplained wealth, bribery, at pagbabanta umano kina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker na si Martin Romualdez.
Tiniyak naman ng prosecution panel na handa silang patunayan ang apat na articles of impeachment gamit ang mga ebidensyang nakalap mula sa mga imbestigasyon ng Kongreso, kabilang ang mga ulat mula sa Philippine Statistics Authority, National Bureau of Investigation, at Commission on Audit.
Para sa Article I, siyam na prosecutors ang itinalaga upang tugunan ang alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd.
Mangunguna rito sina Luistro bilang lead prosecutor at Joel Chua bilang second lead, kasama sina Leila de Lima, Chel Diokno, Terry Ridon, Lorenz Defensor, Jonathan Keith Flores, Rodge Gutierrez, at Lordan Suan.
Sa Article II naman, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, kakulangan sa SALN disclosures, at hindi pagdi-divest ng negosyo habang nasa puwesto, si Ridon ang magsisilbing lead prosecutor habang second lead naman si Diokno.
Kabilang din sa hahawak sa naturang artikulo sina Luistro, De Lima, Chua, Flores, Gutierrez, Suan, at Kaka Bag-ao.
Samantala, sa Article III na may kaugnayan sa bribery at umano’y pamamahagi ng cash gifts sa ilang opisyal ng DepEd, itinalaga sina Ysabel Zamora, Chua, Gutierrez, at Bag-ao. Si Chua ang lead prosecutor habang second lead naman si Gutierrez.
Sa huling Article IV, na nakatuon sa alegasyon ng pagbabanta laban kina Marcos, Araneta-Marcos, at Romualdez, gayundin sa umano’y inciting sedition, sina Defensor at De Lima ang magsisilbing lead at second lead prosecutors, kasama sina Luistro at Zamora sa prosecution team.













