Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung bakit ilang mahahalagang isyu ang hindi na niya natalakay sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Sa isang vlog na inilabas sa official Facebook page ng Pangulo nitong Sabado, Agosto 8, ibinahagi ni Marcos ang ilang kuwento sa likod ng paghahanda at aktuwal na pagbigkas ng kanyang SONA.
Ayon sa Pangulo, kinailangan niyang bawasan ang ilang paksa upang hindi na humaba pa ang kanyang talumpati. Binigyang-diin naman niya na hindi nangangahulugang hindi na mahalaga ang mga isyung hindi nabanggit.
Aniya, maaari pa ring matalakay ang mga ito sa mga susunod na SONA, kabilang na ang sa 2027.
Inamin din ni Marcos na nagkaroon ng ilang last-minute changes habang isinasagawa ang kanyang talumpati upang maging mas malinaw at tuwiran ang paglalahad ng kanyang mga mensahe.
Matatandaang umabot sa isang oras at 25 minuto ang kanyang ikalimang ulat sa bayan, dahilan upang kailangang limitahan ang ilang paksang nais sana niyang maisama.
Kabilang sa mga hindi nabigyang-diin sa SONA ang panukalang batas para sa pangkalahatang umento sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Hindi rin naisama sa mga priority measure ang Anti-Political Dynasty Bill, sa kabila ng pagkakapasa nito sa Mababang Kapulungan.
Bukod dito, hindi rin natalakay sa talumpati ang ilang usapin hinggil sa karapatang pantao at ang isyu kaugnay ng International Criminal Court o ICC.













