Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang naging proseso ng pagproseso ng piyansa ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court, partikular ang umano’y hindi pagsasagawa ng mugshot sa booking procedure.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, dapat ipaliwanag ng mga kinauukulan kung may legal na batayan ang hindi pagkuha ng mugshot kay Duterte, lalo’t karaniwang bahagi umano ito ng booking process ng isang akusado.
Sa halip na kunan ng mugshot, nagsumite umano ang Bise Presidente ng sarili niyang larawan. Para kay Ridon, dapat pare-pareho ang pagpapatupad ng proseso sa lahat ng akusado, anuman ang kanilang posisyon sa gobyerno.
Samantala, pinuna rin ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang pahayag ni Duterte na hindi siya nakaramdam ng seguridad habang nagtungo sa korte para sa kanyang piyansa.
Iginiit ni Cendaña na dapat harapin ni Duterte ang proseso ng due process, kasabay ng matinding batikos sa kanyang pamilya at sa mga kontrobersiyang iniuugnay rito.
Ang mga pahayag ay kasunod ng pagdalo ni Duterte sa korte para sa kanyang bail proceedings kaugnay ng tatlong counts ng grave threats, at ng kanyang paulit-ulit na paghayag ng kawalan ng tiwala sa gobyerno, pulisya at korte.













