Patuloy ang aktibidad ng Mayon Volcano matapos maitala ang panibagong pagdaloy at pagbagsak ng lava noong gabi ng Mayo 6, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa inilabas na ulat, nakita sa monitoring cameras ang lava effusion at collapse sa Mi-isi Gully bandang alas-8:52 ng gabi—bahagi na ng ika-121 araw ng tuloy-tuloy na effusive eruption ng bulkan.
Sa nakalipas na 24 oras, nagtala ang PHIVOLCS ng tuloy-tuloy na lava flow, daan-daang rockfall events, at mga pyroclastic density currents o “uson” na rumaragasa pababa sa mga dalisdis. Naitala rin ang 11 volcanic earthquakes, 283 rockfalls, at 17 senyales ng pyroclastic flow, kasama ang panaka-nakang Strombolian eruptions at lava fountaining.
Dahil dito, muling iginiit ng PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone sa paligid ng bulkan. Nanatiling mataas ang panganib mula sa biglaang pagsabog, pagguho ng bato, at pagdaloy ng mainit na abo at lava, kaya pinapayuhan ang mga residente at awtoridad na manatiling alerto at sumunod sa mga itinakdang safety protocols.













