Kinuwestiyon ng defense counsel Atty. Mark Vinluan ang paraan ng pagpapadala ng subpoena kay dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, na tumestigo para sa Article IV ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Vinluan, dapat ang Impeachment Court ang nag-isyu ng subpoena sa mga testigo at hindi ang House prosecution. Iginiit niyang walang pormal na awtoridad si House Prosecutor Chel Diokno na maglabas nito.
Sa cross-examination, sinabi ni Cabotaje-Tang na natanggap niya ang subpoena sa pamamagitan ng email mula kay Diokno. Inamin din ng dating Sandiganbayan justice na inakala niyang may pormal na awtoridad si Diokno na magsagawa nito.
Ipinaliwanag naman ni Diokno na dumaan sa proseso ng Impeachment Court ang subpoena at ipinadala lamang niya ito para sa security at protection purposes ng testigo.
Samantala, humingi ng paglilinaw si Vinluan kay Presiding Officer Chiz Escudero kung may pormal na desisyon ang korte na nagtalaga kay Diokno para sa naturang hakbang.
Nilinaw ni Escudero na hindi pormal na itinalaga ng Impeachment Court si Diokno, ngunit sinabi niyang nakabatay ang hakbang sa mosyon ng prosecution. Tiniyak din niya na kung hihiling ang depensa ng kaparehong pribilehiyo, maaari rin itong ipagkaloob ng korte.













