KORONADAL CITY – Umabot na sa mahigit 90 baboy ang namatay sa Barangay Moloy nitong mga nakalipas na linggo, dahilan upang agad na magsagawa ng pagsusuri ang mga awtoridad upang matukoy kung may kaugnayan ito sa African Swine Fever o ASF.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinumpirma ni Barangay Captain Boyet Fulgencio na labis nang nababahala ang mga hog raisers sa kanilang lugar dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga alagang baboy, partikular ang mga inahin.
Agad namang iniulat ang insidente sa Municipal Agriculture Office at isinailalim sa laboratory testing ang mga blood samples mula sa mga namatay na hayop.
Nagpalabas din ng executive order ang barangay at ang lokal na pamahalaan ng Surallah na nagbabawal sa pagpasok at paglabas ng mga baboy at processed meat products upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit. Pinagbabawalan din ang pagkatay ng mga baboy na hindi daraan sa accredited slaughterhouse.
Samantala, sinabi ni Dr. Charlemagne Calo, City Vetirenary Officer ng lungsod ng Koronadal, na wala pang kumpirmadong kaso ng ASF sa Koronadal City, ngunit agad nang naghigpit ng biosecurity measures ang lokal na pamahalaan bilang pag-iingat.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang mas mahigpit na monitoring sa mga piggery at animal quarantine checkpoints, regular na disinfection, at mahigpit na pagpapatupad ng travel requirements sa pagbiyahe ng mga hayop.
Nagpatupad din ng kahalintulad na paghihigpit ang bayan ng Norala sa pamamagitan ng executive order na nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy, karne ng baboy, at processed meat products mula sa ibang lugar.
Habang hinihintay ang resulta ng ASF testing sa Surallah, hinikayat ng mga awtoridad ang mga hog raisers na agad ireport ang anumang kaso ng pagkakasakit o pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit sa lalawigan.













