-- ADVERTISEMENT --

Lumakas na bilang Tropical Storm ang Bagyong Maymay (international name: Kujira) habang patuloy itong mabagal na kumikilos sa karagatang kanluran ng La Union, ayon sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Miyerkules, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 170 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras.

Dahil sa paglalakas ng bagyo, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Hilagang Luzon, kabilang ang buong Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at hilagang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.

Inaasahan ang pag-ulan na may kasamang pabugsu-bugsong hangin sa Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cordillera, gayundin sa Zambales, Tarlac, at Nueva Ecija. Samantala, ang iba pang bahagi ng Central Luzon ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms na dulot ng bagyo.

Bukod sa epekto ng Maymay, pinalalakas din ng Habagat ang pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Antique, Iloilo, at Guimaras. Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms na dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, patuloy ding binabantayan ng PAGASA ang Typhoon Dolphin, na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Bandang alas-3:00 ng madaling araw, namataan ito sa layong 1,845 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 165 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 205 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.