-- ADVERTISEMENT --

Humiling si House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng isang congressional briefing kaugnay ng lumalalang tensyon sa Middle East upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.

Ayon kay Majority Leader Marcos, inatasan ng pamunuan ng Kamara, sa ilalim ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ang House Committees on Foreign Affairs at Overseas Workers Affairs na magsagawa ng joint briefing sa Marso 11, 2026.

Layunin ng briefing na makuha ang pinakabagong impormasyon tungkol sa sitwasyon sa Middle East at matiyak ang kahandaan ng pamahalaan na tumulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga apektadong bansa.

Inaasahang iimbitahan ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) upang magbigay ng ulat hinggil sa bilang ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar, kasalukuyang sitwasyon ng seguridad, at mga contingency plan tulad ng posibleng paglikas o repatriation kung kinakailangan.