-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit na binabantayan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang kalidad ng hangin sa Cebu matapos umabot sa ilang bahagi ng lalawigan ang abo mula sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Ayon kay PDRRMO Chief Retired Colonel Dennis Francis Pastor, kabilang sa mga naapektuhan ng ashfall ang Toledo City, Cebu City, Aloguinsan, Pinamungahan, at iba pang kalapit na lugar dahil sa direksyon ng hangin.

Bilang tugon, nagpadala na ang pamahalaang panlalawigan ng assessment teams, relief supplies, at 500 N95 face masks sa mga apektadong komunidad. Nakahanda rin ang karagdagang 6,000 N95 masks para sa mga lugar na higit na nangangailangan.

Sa direktiba ni Governor Pamela Baricuatro, pinaiigting din ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagtugon sa epekto ng ashfall.

Dahil sa banta sa kalusugan, nagsuspinde ng klase nitong Huwebes ang ilang lungsod at bayan sa Cebu, kabilang ang Cebu City, Toledo City, Mandaue City, Talisay City, Carcar City, Naga City, Balamban, Minglanilla, Consolacion, Cordova, Liloan, Asturias, Pinamungahan, Aloguinsan, Compostela, San Fernando, Santa Fe, Sogod, Argao, at Dumanjug.

Pinapayuhan naman ang publiko na magsuot ng face mask, limitahan ang paglabas ng bahay, at iwasan ang mga hindi kailangang biyahe upang mabawasan ang panganib ng paglanghap ng volcanic ash.