-- ADVERTISEMENT --

Nagpasya ang International Criminal Court na magsagawa ng panibagong medical evaluation kay Rodrigo Duterte upang matukoy kung sapat pa ang kaniyang kalusugan para humarap sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.

Sa unang status conference na pinangunahan ni Joanna Korner, sinabi ng hukuman na kinakailangang magkaroon ng updated assessment matapos igiit ng kampo ni Duterte na ang naunang medical examination ay para lamang sa confirmation of charges proceedings at hindi para sa aktuwal na trial.

Ipinaliwanag ni Korner na mahalagang masuri muli ang kalagayan ng dating pangulo, lalo na kaugnay ng kaniyang edad at mga posibleng kondisyong medikal na maaaring makaapekto sa kaniyang kakayahang dumalo at lumahok sa mga pagdinig.

Dahil dito, hindi muna nagtakda ang ICC ng eksaktong petsa para sa pagsisimula ng paglilitis habang hinihintay ang resulta ng panibagong pagsusuri.

Tinalakay rin sa pagdinig ang iba pang mahahalagang usapin kabilang ang pretrial timelines, pagsusumite ng ebidensya, disclosure obligations, at mga wikang gagamitin sa proseso ng paglilitis.

Ayon sa korte, nais ng ICC prosecution team na simulan ang trial sa Nobyembre 30, samantalang itinutulak naman ng legal representatives ng mga biktima na mas maagang maisagawa ito sa Setyembre.

Samantala, iminungkahi ng ICC Registry na Enero 2027 na lamang simulan ang paglilitis dahil sa mga logistical concerns, kabilang ang interpretasyon at pagsasalin ng mga dokumento at testimonya.