-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ng Department of Social Welfare and Development Region XII (DSWD-12) ang kahalahagahan na maisabatas ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) upang magkaroon ng mas malinaw na mga probisyon at mapigilan ang posibleng pang-aabuso sa programa.


Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, iginiit ni Regional Director Loreto Cabaya Jr. ng DSWD-12 na matagal nang ipinagbabawal ang presensya ng mga pulitiko sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng AICS sa rehiyon.


Aniya, layunin nito na matiyak na ang programa ay mananatiling patas at walang halong pamumulitika, lalo na sa pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo.


Ang pahayag ay kasunod ng ulat ni Senador Erwin Tulfo na hindi nakalusot sa Bicameral Conference Committee ang AICS Bill dahil sa pagtutol umano ng ilang mambabatas sa “Anti-Epal” provision na nagbabawal sa mga pulitiko na makilahok sa pamamahagi ng ayuda.


Ayon kay Tulfo, layunin ng naturang probisyon na matiyak na direktang maipagkakaloob ng DSWD ang ayuda sa mga nangangailangan nang walang pag-aangkin ng credit o impluwensyang politikal.


Samantala, binigyang-diin ni Cabaya na mahalagang programa ng pamahalaan ang AICS na nakatutulong sa humigit-kumulang isang milyong indibidwal bawat taon sa rehiyon, kabilang ang mga benepisyaryo sa South Cotabato. Umaabot naman sa P8 bilyon ang pondong inilalaan para sa mga benepisyaryo ng programa.