Aprubado na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 44 na kasong kriminal laban sa tinaguriang “BGC Boys,” kabilang ang dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Jaypee De Leon Mendoza, Henry C. Alcantara, at Brice Ericson D. Hernandez.
Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), umabot sa mahigit P1.68 bilyon ang kabuuang tax liabilities na natukoy sa isinagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y malaking agwat sa pagitan ng kanilang idineklarang kita at aktwal na mga gastusin.
Gumamit ang BIR ng expenditure method sa pagsusuri ng kanilang mga financial records kung saan natuklasan ang hindi naiuulat na kita at kabiguang magsumite ng income tax returns sa ilang taon.
Sa tatlong magkakahiwalay na resolusyon, nakakita ang DOJ ng probable cause upang sampahan ng kaso ang tatlo sa ilalim ng Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code.
Labing-anim na kaso ang inirekomenda laban kay Mendoza na may kaukulang tax liabilities na P179.7 milyon, habang 18 kaso naman laban kay Alcantara na may kabuuang P913.8 milyon.
Sampung kaso rin ang inihain laban kay Hernandez na may tinatayang P593.7 milyong tax liabilities.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na ipinapakita ng hakbang na ito ang patuloy na pagpapatupad ng ahensya ng mga batas sa pagbubuwis nang patas, mahigpit, at naaayon sa due process.













