-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging mas maingat ngayong tag-ulan dahil sa pagtaas ng panganib ng mga sakit na karaniwang lumalaganap sa panahong ito, kabilang ang water-borne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue o ang tinatawag na “W.I.L.D.” diseases.

Ayon kay Albert Domingo, mahalagang agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center ang mga taong nalusong sa baha upang maagapan ang posibleng impeksiyon at iba pang komplikasyon sa kalusugan. Aniya, may mga libreng gamot na maaaring maibigay sa mga health center para sa mga nangangailangan ng agarang lunas.

Kasabay nito, pinaigting ng DOH ang kampanyang “4Ts” laban sa dengue bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mabawasan ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok. Kabilang dito ang Taob o pagbabaliktad ng mga lalagyan na maaaring maipunan ng tubig, Taktak o pag-aalis ng nakaimbak na tubig sa mga bagay na hindi ginagamit, Tuyo o pagpapanatiling walang nakatiwangwang na tubig sa paligid, at Takip o pagsasara ng mga imbakan ng tubig upang hindi ito pamahayan ng lamok.

Ipinaalala rin ng ahensya na pinakamadalas mangagat ang mga lamok na may dalang dengue mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 hanggang alas-6 ng hapon, kaya mahalagang magsuot ng damit na may sapat na proteksiyon at gumamit ng mosquito repellant lalo na sa mga oras na ito.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, nakapagtala ang bansa ng 50,727 kaso ng dengue mula Enero hanggang Mayo 2026. Bagama’t nananatiling mataas ang bilang, mas mababa ito ng 56 porsiyento kumpara sa 114,308 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Habang nagpapatuloy ang tag-ulan, hinikayat ng DOH ang publiko na manatiling alerto sa mga weather advisory, gumamit ng payong, kapote, o bota kapag kinakailangang lumabas, at tiyaking malinis at ligtas ang iniinom na tubig. Binigyang-diin din ng ahensya na ang simpleng pagsunod sa mga hakbang sa kalinisan at pag-iingat ay malaking tulong upang makaiwas sa mga sakit na karaniwang sumasabay sa panahon ng pag-ulan.