-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo si dating Amenah Pangandaman kaugnay ng umano’y kontrobersyal na paglilipat ng bilyun-bilyong pisong pondo mula sa PhilHealth at Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC patungo sa National Treasury.

Inihain ni Tony Leachon sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay Pangandaman para sa umano’y technical malversation, graft, at iba pang administratibong paglabag.

Ayon sa reklamo, dapat umanong managot si Pangandaman dahil sa kanyang papel sa pag-apruba at pagpapatupad ng mga hakbang na naging daan sa paglilipat ng pondo habang siya pa ang kalihim ng Department of Budget and Management.

Kabilang sa kinukuwestiyong transaksyon ang paglilipat ng P60 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth at P107 bilyong pondo ng PDIC papunta sa pambansang kaban ng bayan.

Iginiit din sa reklamo na bahagi umano si Pangandaman ng isang “concerted and coordinated governmental action” sa implementasyon ng fund transfer mechanism na kasalukuyang kinukuwestiyon sa legal na proseso.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Pangandaman hinggil sa mga alegasyon.

Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon ay naglabas ng kautusan ang Supreme Court of the Philippines na ibalik ng pamahalaan ang P60 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act o GAA.

Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, idineklarang unconstitutional ang ilang probisyon ng 2024 GAA at kaugnay na Finance Circular na naging batayan ng paglilipat ng pondo dahil umano sa grave abuse of discretion.

Nauna na ring nagsampa si Leachon ng reklamo laban kina dating Ralph Recto, dating Budget Secretary Rolando Toledo, at ilang opisyal ng PhilHealth at PDIC kaugnay ng kaparehong isyu.

Batay sa rekord, umabot sa P89.9 bilyon ang target na ilipat mula sa PhilHealth funds ngunit P60 bilyon lamang ang aktuwal na nailipat bago ito napigilan ng Korte Suprema.