Ipinaliwanag ng Department of Agriculture (DA) kung bakit pansamantalang ipinahinto ang pag-export ng fresh ube, kasabay ng layuning matugunan muna ang pangangailangan ng lokal na merkado at mapalakas ang industriya sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., mataas ang demand para sa ube sa Pilipinas, ngunit nananatiling limitado ang suplay ng planting materials na kailangan upang mapalawak ang produksyon.
Bukod sa pagtugon sa lokal na pangangailangan, binigyang-diin din ni Laurel ang pangmatagalang epekto sa industriya. Aniya, may posibilidad na maitanim ang ube sa ibang bansa at kalaunan ay maging kompetisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Dahil dito, nais ng DA na mauna ang bansa sa pagpapalawak ng produksyon at pagpapaunlad ng industriya ng ube habang pinananatili ang posisyon ng Pilipinas bilang pangunahing producer.
Bahagi umano ito ng mas malawak na plano ng kagawaran na palakasin ang lokal na industriya, tiyaking sapat ang suplay para sa mga Pilipino, at lumikha ng mas matatag na pundasyon para sa ube bilang isang mahalagang produktong agrikultural.













