Nagpatupad ang pamahalaang lungsod ng Cotabato City ng mga precautionary measure mula Setyembre 15 hanggang 18 kasunod ng mga insidenteng naitala sa lungsod kaugnay ng isinagawang BARMM Parliamentary Elections.
Sa ilalim ng abiso ng City LGU, suspendido ang in-person classes at mga nakatakdang pagsusulit sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan. Pinayuhan ang mga paaralan na gumamit muna ng asynchronous learning.
Ipinatupad din ang work-from-home arrangement para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan, maliban sa mga nasa essential services, health, emergency response, disaster response, security, peace and order at iba pang frontline services.
Para naman sa mga pribadong kumpanya at tanggapan, nasa kanilang pamunuan ang pagpapasya sa work arrangement ng kanilang mga empleyado.
Hinimok ng LGU ang publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag at umasa lamang sa beripikadong impormasyon at opisyal na anunsyo ng mga awtoridad.













