Patuloy na binabantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang mga posibleng epekto sa presyo ng mga bilihin ng developments sa Middle East at mga weather-related disruptions.
Bahagyang bumagal sa 6.1% ang headline inflation noong Agosto mula 6.2% noong Hulyo, habang bumaba rin ang core inflation sa 4.1% mula 4.2%.
Gayunman, umabot sa 5.2% ang average inflation sa unang walong buwan ng 2026, mas mataas sa 3% full-year target ng pamahalaan.
Ayon sa BSP, nakatulong sa pagbaba ng inflation ang mas mababang presyo ng ilang pagkain, partikular ang gulay at isda, gayundin ang pagbaba ng singil sa kuryente at tubig.
Samantala, nananatiling banta sa presyo ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis, na nakaapekto sa pamasahe at transportasyon, habang tumaas din ang inflation sa bigas dahil sa mas mataas na logistics costs.
Pasok naman sa 5.5% hanggang 6.5% forecast range ng BSP ang 6.1% inflation noong Agosto.













