-- ADVERTISEMENT --

Pumanaw na sa edad na 34 ang Australian model, social media influencer at swimwear designer na si Sahara Ray, ayon sa kumpirmasyon ng kaniyang pamilya. Hindi pa inilalabas ang opisyal na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Nakilala si Ray sa mundo ng modeling at social media, at lalo pang lumawak ang kaniyang kasikatan matapos ilunsad ang sariling swimwear brand na Sahara Ray Swim.

Naging laman din siya ng balita noong 2016 dahil sa umano’y pakikipagrelasyon niya sa Canadian pop star na si Justin Bieber matapos silang makitang magkasama sa Hawaii. Naiugnay rin siya sa Australian singer na si Cody Simpson.

Anak siya ng beteranong Australian surfer na si Tony Ray. Noong bata pa, madalas siyang sumama sa mga kompetisyon ng kaniyang ama sa California, Australia at Hawaii.

Noong 2024, ibinahagi rin ni Ray ang kaniyang pakikipaglaban sa Guillain-Barré syndrome, isang bihirang neurological disorder na maaaring magdulot ng panghihina at paralisis ng mga kalamnan. Ayon sa ulat, nagkaroon siya ng kondisyong ito matapos ang isang aksidente sa sasakyan.