Humingi ng paumanhin si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan kay Senator-Judge Robin Padilla matapos ang naging insidente sa pagdinig ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Hulyo 22.
Sa isang press briefing matapos ang hearing, nilinaw ni Kapunan na wala siyang intensiyong bastusin ang senador at kinikilala niya ang mahalagang papel nito bilang miyembro ng impeachment court.
Ayon kay Kapunan, bahagi lamang ng pagiging abogado ang agarang pagpapakita ng reaksyon sa mga nangyayari sa loob ng korte, lalo na sa gitna ng isang mainit na paglilitis.
“May I use this opportunity to apologize to Senator-Judge Robin. There was no intent to disrespect him,” pahayag ng beteranong abogado.
Ipinaliwanag niya na ang mga ekspresyon at reaksyon ng mga abogado habang nasa paglilitis ay likas na bahagi ng kanilang trabaho at hindi nangangahulugan ng kawalan ng respeto sa hukuman.
“Kapag lawyer ka at nasa litigation ka, instinctive reaction ang magpakita ng emosyon. Hindi ito drama kundi bahagi ng trabaho,” dagdag niya.
Nauna rito, napansin ni Padilla ang naging reaksyon ng ilang miyembro ng prosecution panel habang nagtatanong siya kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro. Dahil dito, hiniling niya kay impeachment court presiding officer Senator Francis “Chiz” Escudero na paalalahanan ang lahat na panatilihin ang kaayusan sa loob ng bulwagan.
Biro namang sinabi ni Kapunan kay Padilla: “Senator Robin, sabi mo kaibigan tayo. Forgive na lang. Hindi na kami uulit diyan.”
Hindi na rin matandaan ni Kapunan kung ano mismo ang naging reaksyon na napansin ng senador, ngunit iginiit niyang wala itong layuning hamunin o maliitin ang kanyang awtoridad bilang senador-hukom.













