Muling pinatunayan ni Alex Eala ang kanyang husay sa Grand Slam matapos itala ang straight-set victory kontra Ukrainian tennis player Oleksandra Oliynykova, 6-1, 6-4, para makapasok sa third round ng US Open.
Agad nagpakawala ng dominanteng laro si Eala sa unang set at halos walang pagkakataong ibinigay kay Oliynykova sa Louis Armstrong Stadium.
Bahagya mang nakabawi ang Ukrainian sa second set, nanatiling kontrolado ni Eala ang laban at hindi na nito hinayaang umabot pa sa deciding set.
Mas naging makabuluhan ang panalo para kay Eala dahil si Oliynykova rin ang tumalo sa kanya sa Strasbourg tournament noong Mayo.
Bukod sa revenge victory, panibagong milestone din ito para sa Pinay tennis star. Ito ang unang pagkakataon na nakapasok si Eala sa third round ng US Open matapos hanggang second round lamang ang kanyang narating noong nakaraang taon.
Bilang 17th seed ng torneo, susunod na haharapin ni Eala ang mananalo sa laban nina Francesca Jones ng United Kingdom at Iva Jovic ng United States.













