Magkakaharap ang Pinay tennis star na si Alex Eala at si Leylah Fernandez sa Round of 32 ng Stuttgart Open sa Germany.
Ang 23-anyos na si Fernandez ay may dugong Pilipino dahil Filipino-Canadian ang kanyang ina. Nakarating siya sa finals ng US Open noong 2021 at sa quarterfinals ng French Open noong 2022.
Sa kasalukuyan, nasa ika-25 puwesto siya sa world rankings. Mula siya sa Round of 16 finish sa Charleston Open at umabot din sa Round of 32 ng Miami Open.
Samantala, si Eala ay galing din sa Round of 16 ng Linz Open, na siyang una niyang clay court tournament ngayong season.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magtatapat ang dalawa sa singles match. Gayunman, nagkaharap na sila dati sa doubles sa Abu Dhabi Open, kung saan kasama ni Eala si Janice Tjen at kanilang tinalo sina Fernandez at Kristina Mladenovic.













