Arestado ang walong lalaki, dalawa sa kanila ang sugatan, matapos mauwi sa armadong komprontasyon ang umano’y tangkang pagnanakaw ng fiber optic wires sa isang telecommunications establishment sa Koronadal City, South Cotabato, nitong Nobyembre 26, bandang alas-2:00 ng madaling-araw.
Batay sa ulat ng Koronadal City Police Station (CPS), nagsimula ang insidente nang humingi ng tulong sa pulisya si Edsyll Gardose Espongja, 58-anyos, Chief Security Officer ng Marbel Tel. Iniulat umano nito na may ilang indibidwal sa harap ng kanilang establisimyento na matatagpuan sa Purok Kahirup, Gensan Drive, Barangay Zone 2, Koronadal City.
Ayon sa ulat, may dalang lagari, bareta, pait, hagdan at iba pang kagamitan ang mga naturang indibidwal. Ilan umano sa kanila ang pumasok sa mga lagusan kung saan nakalagay ang fiber optic wires, habang ang iba naman ay nanatili sa ibabaw bilang mga bantay.
Agad na rumesponde ang patrol team na pinamumunuan ni PSSg Arthur Acuesta, kasama ang mga operatiba ng Intelligence Unit, upang beripikahin ang natanggap na impormasyon.
Pagdating sa lugar, namataan umano ng mga pulis ang dalawang lalaki na may dalang baril. Inatasan ang mga ito na ibaba ang kanilang mga armas, ngunit sa halip ay itinutok umano nila ang mga ito sa mga rumespondeng pulis.
Dahil dito, nagpaputok ang mga operatiba na naging sanhi ng pagkakatama sa likurang bahagi ng katawan ng dalawang lalaki. Matapos silang mapasuko, kinilala ang walong indibidwal na sangkot sa insidente.
Kinilala ang mga naaresto sa kanilang mga alyas na sina Eldren, 18; Joey, 20; Aizel, 33; Joselito, 31; Jeramil, 51; Jhon, 26; Christopher, 26; at Jonathan Garcia, 31.
Nagtamo ng mga sugat sina Christopher at Jonathan Garcia at agad na isinugod sa South Cotabato Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Samantala, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang baril. Kabilang dito ang isang Super .38 caliber Automatic Mark V Bolt Commander na may serial number 109245, na may nakakabit na magazine na naglalaman ng 12 bala, at isang hinihinalang 9mm pistol na may isang bala sa magazine.
Humingi rin ng tulong ang Koronadal CPS sa South Cotabato Provincial Forensic Unit 12 para sa kaukulang forensic examination.
Ayon pa sa ulat, ipinaalam sa mga naaresto ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at ang kanilang mga karapatang konstitusyonal gamit ang wikang lubos nilang nauunawaan.
Sa kasalukuyan, dinala ang mga naaresto sa himpilan ng Koronadal CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.













