-- ADVERTISEMENT --

Hindi kabilang sina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa mga testigong ihaharap ng defense team sa nagpapatuloy na impeachment proceedings sa Senado.

Batay sa subpoena na inilabas ng Senate impeachment court, apat na testigo ang nakatakdang iharap ng depensa sa Nobyembre 19 at 20. Kabilang dito sina Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines, Dr. Ceferino Rodolfo ng Department of Trade and Industry (DTI), Pilar Marilyn Pagayunan ng Food and Drug Administration (FDA), at Rowena Mendoza ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).

May sampu pang testigo na nakalinya para sa mga susunod na pagdinig. Samantala, inalis na sa witness list ang 15 opisyal ng mga bangko na inaasahang magbibigay-linaw sa mga financial transaction at bank records ng mag-asawang Duterte-Carpio.

Inaasahang tatalakayin ni Dela Fuente ang mga kahina-hinalang transaksyon o tinatawag na “red flags” sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.

Matatandaang iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umabot umano sa P4.4 bilyon ang pinagsama-samang transaksyon sa mga bank account ng mag-asawang Duterte at Carpio mula pa noong 2007.

Samantala, may kaugnayan naman sina Rodolfo, Pagayunan at Mendoza sa Cale88 Food Corporation, kumpanyang iniuugnay kay Carpio. Naging usapin ang kompanya matapos maiulat na nakatanggap ito ng P319 milyong remittances mula sa mga kumpanyang nakabase sa Hong Kong at China.

Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial ni Vice President Duterte sa Nobyembre 19 at 20, kasunod ng 49th ASEAN Summit.