Nais ng kampo ni Vice President Sara Duterte na maipatawag ang apat na indibidwal bilang mga testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 19 at 20.
Sa kahilingang inihain sa impeachment court, hiniling ng depensa ang pagpapalabas ng subpoena upang matiyak ang pagdalo ng mga naturang testigo.
Ayon kay House prosecution panel member at Manila Representative Joel Chua, kabilang sa listahan sina Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH, DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo, FDA Director Pilar Marilyn Pagayunan at isang kinatawan ng Center for International Expositions and Missions (CITEM).
Inaasahang magbibigay-linaw si Dela Fuente sa mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act, habang tatalakayin naman ng mga kinatawan ng DTI, FDA at CITEM ang pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation, mga produktong banana chips nito, at mga kaugnay na transaksiyon at komunikasyon.
Nauna nang sinabi ng defense panel na mayroon pa silang walo hanggang sampung testigong ihaharap sa paglilitis.
Sa ilalim ng mga patakaran ng impeachment court, kailangang isumite ang pangalan ng mga testigong wala pa sa pre-trial order limang araw bago ang nakatakdang pagdinig.
Nahaharap si Duterte sa impeachment complaint na kinabibilangan ng mga alegasyon kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.













