-- ADVERTISEMENT --

Magsisimula sa Nobyembre 23 ang sunod-sunod na plenary budget hearings ng Senado upang mapabilis ang pagsusuri at pag-apruba sa bersyon nito ng panukalang ₱7.2-trillion national budget para sa 2027 bago sumapit ang Disyembre 17.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, itinakda nila nang mas maaga ang mga pagdinig upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga senador sa pagtalakay at pagsusuri sa panukalang General Appropriations Bill (GAB), at maiwasan ang pagkaantala sa pagpasa ng budget gaya ng nangyari noong nakaraang taon, kung kailan Disyembre 29 lamang niratipikahan ang 2026 national budget.

Dahil walang sesyon sa Nobyembre 30 bilang paggunita sa Bonifacio Day at sa Disyembre 2 na pagdiriwang ng Pasay Day, kinakailangang magtrabaho ang mga senador sa nasabing holiday upang makumpleto ang lima hanggang walong araw na plenary budget debates.

Sinabi ni Gatchalian na nasa tamang iskedyul ang Senado at posibleng maaprubahan ang panukalang budget bago ang kanilang adjournment kung walang malaking isyu o pagkaantala.

Samantala, plano rin ng Senado na alisin sa panukalang budget ang 295 public works projects na nagkakahalaga ng ₱8.836 bilyon kasunod ng mga kuwestiyonableng proyekto, kabilang ang mga farm-to-market road na may maling coordinates.

Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, isa-isang susuriin ang mga proyekto upang matiyak na kumpleto ang mga dokumento, program of works, certificate of implementability at tama ang geotagging coordinates.

Isinusulong din ni Ejercito ang pagtaas ng subsidiya ng pamahalaan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at pagbabawas sa pondo ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang maiwasan ang posibleng paggamit nito para sa political patronage.

Bukod dito, sisikapin din ng Senado na maibalik ang pondong ibinawas sa mga foreign-assisted projects, kabilang ang North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway Project, Bataan-Cavite Interlink Bridge at Laguna Lakeshore Road Network Project.