-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa mga senator-judge na ituon sa mga pangunahing isyu ng impeachment case ang kanilang mga tanong sa mga testigo, sa halip na talakayin ang mga bagay na hindi umano direktang kaugnay sa kasong dinidinig.

Ayon kay Atty. Paolo Panelo, abogado ng Bise Presidente, hindi na dapat bigyang-diin ang kawalan ng kakayahan ng ilang testigo na maalala ang mga pangyayaring naganap maraming taon na ang nakalipas kung wala naman itong direktang kaugnayan sa mga alegasyon.

Nilinaw din ni Panelo na hindi maituturing na double compensation ang salary differential na natanggap ni Duterte noong 2021 at 2022 bilang alkalde ng Davao City, kundi karagdagang kabayarang nararapat sa kanya.

Binigyang-diin ng abogado na ang pangunahing usapin sa impeachment case ay kung may mga ari-arian si Duterte na hindi isinama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Giit pa niya, naipaliwanag na ng mga testigo ang naturang usapin at wala umanong naipakitang ebidensya na may mga ari-ariang hindi idineklara ng Bise Presidente.

Dahil dito, hiniling ng depensa na ituon ng Senate Impeachment Court ang mga pagtatanong sa mga isyung may direktang kaugnayan sa mga alegasyon upang maging mas makabuluhan ang paglilitis.