-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang iregularidad sa pagbili ng mahigit 230,000 laptop na ipinamahagi sa mga pampublikong guro, at dumaan umano ang transaksiyon sa tamang proseso ng pamahalaan.

Sa pamamahagi ng mga laptop sa Dagupan City, Pangasinan, kinilala ng Pangulo ang pangangailangan ng mga guro sa computer matapos ang ilan sa kanila ay napilitang bumili gamit ang sariling pera dahil sa kakulangan ng kagamitan sa mga paaralan.

Ayon kay Marcos, naglaan ang pamahalaan ng karagdagang laptop upang mapagaan ang trabaho ng mga guro at masuportahan ang kanilang mga tungkulin sa pagtuturo.

Iginiit din niyang nakatipid ang gobyerno ng ₱1.4 bilyon sa naturang pagbili, na maaari pang magamit para sa iba pang pangangailangan ng sektor ng edukasyon.

Matatandaang naging kontrobersiyal ang naunang pagbili ng Department of Education ng mga laptop dahil sa alegasyon ng overpricing at mababang specifications na na-flag din ng Commission on Audit (COA).