-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang tinanggap ng Senate Impeachment Court ang karamihan sa mga dokumentong iniharap ng prosekusyon bilang ebidensiya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.

Kabilang sa mga tinanggap na ebidensiya ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte mula 2007 hanggang 2021, gayundin ang mga rekord mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), PhilGEPS, Bureau of Internal Revenue (BIR), mga bangko, insurance at investment companies.

Gayunman, nilimitahan ng korte ang paggamit sa mga SALN mula 2007 hanggang 2021 bilang panimulang batayan lamang sa pagsusuri ng kanyang kalagayang pinansyal bago siya naging bise presidente noong Hunyo 30, 2022. Hindi maaaring gamitin ang mga ito upang patunayan ang hiwalay na mga alegasyon bago ang naturang petsa.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, hindi rin pinayagan ang paggamit ng Commission on Audit (COA) records tungkol sa mga disallowance sa confidential funds na may kaugnayan sa Article I na binawi na ng prosekusyon.

Binigyang-diin din ng korte na ang pagtanggap sa mga dokumento ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon laban sa bise presidente. Nasa mga senator-judge pa rin ang pagpapasya sa bigat at halaga ng mga ebidensiya sa pagtatapos ng paglilitis.

Matapos pormal na matapos ang presentasyon ng prosekusyon, nakatakdang simulan ng depensa ang paghaharap ng kanilang mga ebidensiya sa Article II sa Nobyembre 9.