Nasa 90 hanggang 95 porsiyento nang kumpleto ang paghahanda ng pamahalaan para sa pagho-host ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Pilipinas sa Nobyembre 15 hanggang 17.
Ayon kay Executive Secretary at ASEAN National Organizing Council Chairman Ralph Recto, nakatuon na lamang ang natitirang paghahanda sa mga contingency plan, partikular sa posibleng pagbabago ng lagay ng panahon at mga huling pagsasaayos sa seguridad.
Personal na ininspeksyon ni Recto nitong Biyernes ang Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, na magsisilbing pangunahing venue ng nasabing pagtitipon.
Inaasahang dadalo ang mahigit 20 lider mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN at kanilang mga dialogue partner. Patuloy rin umanong minomonitor nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos ang paghahanda para sa summit.
Bahagi rin ng programa ang pagpapakilala sa mga dayuhang delegado sa kultura at lokal na industriya ng Pilipinas. Kabilang dito ang pagbisita ng ilang opisyal sa Marikina Shoe Museum, kung saan ipinakita ang tradisyon at husay ng mga lokal na manggagawa sa paggawa ng sapatos.
Nasaksihan din ng mga delegado ang aktuwal na proseso ng shoemaking at ang kasaysayan ng industriya ng sapatos sa Marikina, na kilala bilang Shoe Capital of the Philippines.













