Halos 300,000 indibidwal o mahigit 71,000 pamilya na mula sa 159 barangay sa Bicol Region ang naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon na nagsimula noong Oktubre 30, batay sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa Disaster Response Management ng ahensya, naitala ang naturang bilang hanggang alas-6 ng gabi noong Nobyembre 2.
Sa kabuuang bilang ng mga apektado, mahigit 1,700 indibidwal o 517 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 11 evacuation centers sa rehiyon.
Mayroon ding 15 indibidwal mula sa walong pamilya na pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala sa mga lugar na hindi direktang apektado ng aktibidad ng bulkan.
Bilang tugon sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan, nakapagbigay na ang DSWD ng mahigit ₱318 milyong halaga ng humanitarian assistance.
Kabilang sa mga naipamahaging tulong ang family food packs, ready-to-eat food, malinis na inuming tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Tiniyak din ng ahensya na may nakahanda pa itong mahigit ₱4 bilyong standby funds na maaaring gamitin para sa karagdagang ayuda sakaling lumaki pa ang pangangailangan sa mga susunod na araw.
Sa kabila ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, wala pa ring naitatalang bahay na nasira o napinsala dahil sa aktibidad nito.













