-- ADVERTISEMENT --

Nasa huling yugto na ang paghahanda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa seguridad ng 49th ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas sa Nobyembre 16 hanggang 18, 2026.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NCRPO Spokesperson Lt. Col. Hazel Asilo na nakahanda nang i-deploy ang nasa 12,600 pulis sa iba’t ibang strategic locations at mahahalagang pasilidad na may kaugnayan sa international gathering.

Inaasahang dadalo sa summit ang mga pangunahing lider ng 11 bansang kasapi ng ASEAN, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Inaasahan din ang pagdating ng mga kinatawan mula sa dialogue partner countries, kabilang si US President Donald Trump, gayundin ang iba pang opisyal ng international organizations.

Ayon kay Asilo, maaari pang madagdagan ang bilang ng mga ide-deploy na pulis depende sa magiging pangangailangan at security assessment habang papalapit ang summit.

Makikipagtulungan din ang NCRPO sa iba’t ibang allied agencies at ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa pagpapatupad ng seguridad, bagama’t wala pang pinal na bilang ng kanilang mga tauhang makikibahagi sa operasyon.

Kaugnay nito, nakatakdang ilagay sa full alert status ang buong hanay ng kapulisan bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa pagtitipon.

Layunin ng security preparations na matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, dayuhang bisita at publiko, gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng ASEAN Summit.