Pinabulaanan ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang mga kumakalat na espekulasyong nasa ilalim ng proteksiyon ng kanilang organisasyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang makaiwas sa pag-aresto.
Sa pahayag ng MNLF Information Committee, nilinaw ng grupo na wala silang kumpirmadong impormasyon o ebidensiyang kasalukuyang kinukupkop nila ang senador. Wala rin umanong pormal na ugnayan sa pagitan ni Dela Rosa at ng organisasyon.
Ipinaliwanag ng MNLF na ang mga naunang pahayag ng senador tungkol sa grupo ay may kaugnayan sa kaniyang karanasan noong nag-aaral siya sa Marawi at sa pagsuporta sa mga programa para sa mga dating mandirigma at kanilang mga anak.
Bagama’t kinilala ng organisasyon na may kakilala si Dela Rosa na ilang personalidad na may koneksiyon sa MNLF, iginiit nitong hindi ito sapat na batayan upang sabihing miyembro, kaalyado o nasa ilalim ng proteksiyon nito ang senador.
Samantala, patuloy na nananatiling usapin ang kinaroroonan ni Dela Rosa habang hinahanap siya ng mga awtoridad kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).












