Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi maaapektuhan ang kasapatan ng suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng patuloy na paghina ng piso kontra dolyar at iba pang foreign currencies.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, sapat ang stockpile ng mga pangunahing pagkain hanggang sa pagtatapos ng 2026, na nagmumula sa lokal na produksyon at mga imported na produkto.
Kasunod ito ng pag-abot sa mahigit P64 ng palitan ng piso kontra dolyar ngayong linggo, bago bahagyang bumawi sa pagtatapos ng trading nitong Biyernes, October 30.
Sinang-ayunan din ni De Mesa ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang dahilan upang mag-panic ang publiko dahil nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.
Samantala, patuloy na naghahanda ang DA ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng paghina ng piso, partikular sa mga lokal na magsasakang posibleng maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga imported na input at iba pang gastusin.
Kabilang din sa tinututukan ng ahensya ang paghahanda sa iba pang hamon sa sektor ng agrikultura, gaya ng posibleng epekto ng tumitinding El Niño phenomenon.












