Kinontra ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga talakayan tungkol sa posibleng papalit sa kaniya, at iginiit na dapat munang tutukan ang pagiging patas at legalidad ng impeachment proceedings.
Sa pahayag ni spokesperson Salvador Paolo A. Panelo Jr. nitong Huwebes, sinabi ng kampo na may mga usaping legal at pangproseso na kailangang linawin bago magkaroon ng hatol laban sa Bise Presidente.
Kinuwestiyon din nito ang pagiging patas ng mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment trial, lalo na ang mga nahaharap o pinagbabantaan ng plunder at iba pang kasong kriminal. Binanggit din ang umano’y paglabag sa due process dahil hindi umano nabigyan si Duterte ng sapat na pagkakataong sagutin ang Articles I at IV bago bawiin ang mga ito ng mga prosecutor.
Ayon kay Panelo, 28% lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa Senate Impeachment Court na magbibigay ito ng patas na hatol, batay sa survey ng Social Weather Stations. Nasa negatibong pito naman ang net trust rating nito.
Dagdag pa ng kampo, hindi malulutas ng pagpapalit sa Bise Presidente ang mga suliraning kinakaharap ng bansa, gaya ng inflation, banta ng Super El Niño sa seguridad sa pagkain, paghina ng economic growth sa 2.3%, at patuloy na pagbaba ng halaga ng piso laban sa dolyar.
Iginiit ni Panelo na mas dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at mga kaalyado nito ang mga problemang direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino kaysa sa mga usaping pampulitika.












