-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na masyado pang maaga ang pagtalakay sa posibleng paghalili kay Vice President Sara Duterte sakaling mahatulan ito sa impeachment trial.

Ayon kay Castro, hindi pa tapos ang impeachment proceedings kaya dapat munang hayaang umusad ang proseso at mabigyan si Duterte ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili alinsunod sa due process.

Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng paggalang sa Tanggapan ng Bise Presidente, anuman ang mga batikos na ibinabato sa mga opisyal ng pamahalaan.

“Kung meron na hindi gumagalang sa Pangulo, kung meron nagpapahayag ng negatibo sa Pangulo kahit hindi na siya ang irespeto, irespeto na lang natin ang opisina ng Bise Presidente,” pahayag ni Castro.

Tinawag din niyang premature ang pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano tungkol sa panawagan sa mga senador na tanggihan ang posibleng alok na maging bise presidente sakaling mahatulan si Duterte.

Dagdag ni Castro, walang sinuman ang dapat magdikta o magpalagay kung ano ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng usapin.

Sa ngayon, iginiit ng Malacañang na dapat hintayin ang resulta ng impeachment proceedings bago pag-usapan ang posibleng pagpapalit sa bise presidente, sa halip na pangunahan ang magiging hakbang ng pamahalaan.