-- ADVERTISEMENT --

Tumutol ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan ng prosekusyon na gamitin ang naitalang testimonya ng dalawang saksi sa kasong crimes against humanity laban sa kaniya nang hindi na sila humarap sa paglilitis.

Sa dokumentong may petsang Oktubre 26, hiniling ng depensa sa ICC Trial Chamber III na ibasura ang aplikasyon para gamitin ang mga pahayag ng mga saksi na P-1393 at P-1416.

Ayon sa depensa, dapat silang personal na tumestigo upang sumailalim sa cross-examination, lalo na dahil sa umano’y hindi pagkakatugma ng kanilang mga pahayag. Iginiit din nitong hindi dapat isakripisyo ang karapatan ni Duterte na ipagtanggol ang sarili para lamang mapabilis ang paglilitis.

Gayunman, hindi tumutol ang depensa sa paggamit ng naitalang testimonya ng ikatlong saksi na P-1370.

Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killing sa kaniyang kampanya kontra droga noong pangulo siya ng bansa at alkalde ng Davao City. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.